Thursday, May 29, 2008


DESILTING RAKET SA ROMBLON, HINDI TOTOO!
Nina: Ed Damaso, Babes Barba at Rey Asturias

"Kung gusto ng mga kritikong bumabatikos sa pyoyekto ng Desilting, iimbitahan ko sila at isasama para tingnan nila ang sinasabi nilang "New Racket" at ng mapatunayan din nila na wala iyong katotohanan"
Ito ang may halong pagtatampong pahayag ng DPWH District Engineer ng lalawigan ng Romblon na si Engr. Rolindo Perez sa mamahayag na Nagsimulang kumalat ang mga isyu sa pahayagang nasyonal na isinulat ng nabanggit na mamamahayag na nagsasaad sa diumano’y bagong raket ng mga korup na opisyal ng lalawigan kasapakat ang DPWH.
Ano ang Desilting?

Ayon kay Engr. Dodoy Perez, ang ginawang proyekto ng Desilting o paghuhukay upang laliman at upang lumawak ang mga ilog, pag-aalis ng mga bara dito, upang makadaloy ng tuloy-tuloy ang agos ng tubig. Gayundin, upang maiwasan ang pag-apaw nito na nagiging sanhi ng malawakan at malalim na pagbaha sa mga karatig lugar.

Ang mga hinukay na lupa ay itinatambak sa tabi ng ilog o river bank upang magmistulang dike na siyang magsilbing flood control. Ang mga bato at lupa ay nagsisilbing proteksiyon ng lupa, at maibsan din ang paglabas ng tubig sa ibabaw.
"Ang desilting ay kahalintulad ng paglilinis ng mga estero sa kabayanan, inaalis ang mga putik at dumi, upang malayang makaagos ang tubig sa kanal." paliwanag pa ni DE Dodoy Perez.

Hindi ito mano-mano na ginawa ng mga tao sa pamamagitan ng pala at piko lamang, bagkus ginamitan ito ng heavy equipment tulad ng mga bulldozer at back hoe.Hindi sasapat ang pondong (P500,000.00) limang daang libo piso (tulad) ng gustong ipahiwatig sa kanilang panulat) sa ganoon kalaking proyekto sa iba’t-ibang bahagi ng Tablas Island maging sa isla ng Sibuyan. Umabot ng milyones ang halagang ginastos para dito sapagkat umaabot sa halos isang kilometro ang area ng desilting.

Normal ng isinasgawa ang Desilting

Ang pagsasagawa ng desilting ay matagal ng isinasagawa saan mang panig ng Pilipinas at maging sa buong mundo. Ito ang kinakailangang gawin upang maiwasan ang pagbaha para maisalba ang buhay ng mga tao at kanilang ari-arian.

Ktunayan, kamakailan lamang ng ipahayag ni DPWH Sec. Hermogenes Ebdane Jr. matapos makumpleto ang proyekto sa flood control na may habang 4.42 kilometrong Porac-Gumain River channel sa Pampanga sa pamamagitan ng pagbuldosa ng mahigit sa 1.5 metrong lupa sa ilalim ng ilog at ang pagsasaayos ng kaliwa't kanang dike nito. Ang nasabing desilting ay nagkakahalaga ng P69 Milyon. Ito ay bilang paghahanda sa nalalapit na tag-ulan at ng malawakang pagbaha.

Wastong Alintuntunin ng Proseso

Dumaan din ang mga proyekto sa tama at legal na proseso, tulad ng survey, preparation of plan, program of work, set of bidding, publication sa nasyonal na pahayagan at ang pag-post sa website ng DPWH.

Pagkatapos ng proyekto ay dumadaan din ito sa inspection na pinangungunahan ng mga inhinyero ng DPWH gayundin, ng mga end user, tulad ng alkalde ng bayan o kapitan ng barangay.

Dapat din na masunod ng kontratista ang nakasaad sa plano o ang tinatawag na “as build plan” pagkatapos ay maghahanda naman ng “as built plan”

Ang contractor ng kanilang mga desilting projects ay ang Sunwest Construction and Development Corporation. Lahat ng proyekto ay sinimulan noong unang linggo ng Pebrero kung saan ang kanilang operasyon ay sinisimulan ng (6 am) ala sais ng umaga hanggang (12 mn) alas dose ng madaling araw upang samantalahin ang magandang panahon at matapos ang proyekto bago pa man sumapit ang tag-ulan.

Mga residente nagsalita

Samantala sinubukan naming puntahan ang mga lugar na ginawan ng desilting projects at kinapanayam namin ang mga residenteng malapit sa mga ilog na sumailalim dito upang personal na mapatunayan kung ano ang feed back ng mamamayan ukol dito at kung mainam nga ba talaga ang idudulot ng nasabing mga proyekto sa masa.

“Makakatulong ito kahit papaano dahil talagang binabaha noon dati at umaabot sa mga bahay na malapit dito sa ilog” ito ang halos magkatulad na pahayag nina Jerry Faminial at Berna Fesarito na residente ng Brgy. Gabawan na naninirahan sa tabi ng ilog, ng tanungin namin kung makakatulong ba ang nasabing proyekto.

"Madami na nga kaming nagibang bahay dahil sa palaging tinatangay ng baha. Minsan nga umaabot hanggang baywang ang tubig dito sa loob ng bahay kaya malaking tulong ang ginawa nilang paglinis ng ilog dahil tinanggal nila yung bara kaya tuloy-tuloy na iyong daloy ng tubig.” ani naman ng natutuwang si Ligay Cruz, 74 años mula sa Brgy. Libertad.

“Umaabot ang tubig hanggang lagpas tao kaya lumilikas kami papuntang kalsada kapag nagsisimula ng lumakas ang ulan. Maganda iyong ginawa nila dahil lumalim na iyong tubig sa ilog at natanggal na yung bara.” ito naman ang tugon sa amin ng mag-asawang sina Cruzita at Pedro Paner na nakatira malapit sa ilog at naninirahan ng simple sa pamamagitan ng pag-gawa ng walis tingting.

“Ngayon lang nagkaroon ng nagkaroon ng desilting. Noon ay mababaw ang ilog ngayon pero ngayon ay malalim na dahil nilinisan nila.” ani naman sa amin ni Jimson Montoya, 24 años, naninirahan hindi kalayuan sa ilog ng Rizal River na ginawan ng desilting.

“Malaking tulong ang ginawa nila kasi dati ay nag-ooverflow ang tubig sa ilog.” ito naman ang pahayag sa amin ng nag-uumpukanbg sina Eduardo Miñano, dating kagawag ng Brgy. Tuguis kasama ang kaniyang kahuntahan na sina Ulie Felia, 34 años at Noel Potoy, 36 años na pawang mga magsasaka.

Sa Limon Norte bayan ng Looc naman ng magtungo kami ay pasasalamat naman ang itinugon ni Wilma Seraspi, 44 años, at naninirahan malapit sa ilog. “Maganda iyong ginawa nilang ganyan kaya nagpapasalamat kami talaga dahil hindi kami babahain dito.”

“Pangalawang beses na itong ginawang desilting. Mas malawak nga lang ito at mas maganda ang pagkakagawa.”
ito naman ang pahayag sa amin ni Rene Boy Gacula, 31 años at isang technician na nakatira malapit sa ilog ng Brgy. Calagonsao sa bayan ng Alcantara.

“Makakatulong ang ginawa nila dahil tuloy-tuloy ang daloy ng tubig. Dati nung bumaha noon ay umabot talaga yung tubig sa mga bahay!” kuwento naman sa amin ng 83 años na si Leonardo Monton, dating barrio kapitan ng isang sitio sa bayan ng Sta. Maria

"May mga malalaking bato diyan noon pero ngayon natanggal na nila kaya naging maganda na iyong daloy ng tubig. Dati din ay maraming namamatay dahil inaanod ng tubig-baha galing bundok. Madami kasing mga bahay doon sa bundok at mga pananim. Kapag bumababa sila galing sa bundok, ay hindi nila alam na malalim pala ang tubig kaya natatangay at namamatay. Ang mister ko pa nga noon ay tumutulong sa mga taong makatawid sa tubig.” mahabang kuwento naman sa amin ni Virginia Mijares, 67 años na naninirahan malapit sa Hinugusan River ng bayan ng San Agustin. “Malaking tulong iyong ginawa nilang project” natutuwa pa niyang dagdag sa amin.

Halos pareho naman ang naging pahayag nina Diosdado Vista at Epson Gaca sa isinagawang proyekto sa Lusong River bayan ng San Agustin. Malaking tulong anila ang ginawang desilting projects sa nasabing ilog lalo na kung sasapit ang tag-ulan.


“Maganda ang ginawa nilang proyekto.” matipid na tugon naman sa amin ni Loudy Manggoba na naninirahan malapit sa Binongaan River bayan ng San Agustin. Dati kasi ay inaabot umano sila ng baha kapag umapaw ang ilog.

“Basta maliwanag ang buwan ay pinapaspasan nila ang trabaho. Tinanggal nila iyong maraming bara ng ilog.” masayang pahayag naman sa amin ni Paquito Gallos sa isinagawang desilting project sa Humaguichic river bayan ng San Agustin.

“Tumataas ang tubig kapag bumabaha. Ayos ang ginawa nilang iyon. Sana nga ay hindi na kami abutin kapag bumaha dahil malinis na rin ang ilog” sabi naman sa amin ni Vidal Fadriquelan na malapit sa Bañadero river ng Brgy. San Roque.

“Dati ay bumabaha talaga. Malaking tulong talaga ito dahil yung mga basura ay hindi na naiipon sa ilog.” turan naman sa amin ni Villamor Bendole na nakakaranas ng pagbaha noon at lubhang ipinagpapasalamat ang pagkakaroon ng desilting projects

“Suporta kasi iyon sa pagbaha. Kapag bagyo umaabot ang tubig dito sa amin. Maganda na dahil nilinisan nila. Kumbaga sa kanal wala na iyong mga dumi. Ngayon malalim na iyong dating mababaw na ilog.” ani naman sa amin ni Jay Talamisan, 58 años, dating kagawad ng Brgy. Pag-alad na naninirahan malapit sa Parpagoha River bayan ng San Andres.

May nagreklamo naman na residente sa Brgy. Pag-alad tungkol sa ilog na kung saan ay bumabalandra ang agos ng tubig sa kanilang lupain, ayon sa pamilya Moreno, ang lupa nila ay unti-unti ng gumuguho, kung kaya’t nagiging makitid na ang kanilang lupain. Nananawagan sila sa DPWH, kay Gob. Jojo Beltran at maging kay Cong. Budoy Madrona na sana ay magawan ng rip rapping o flood control ang ilog sa kanilang lugar.

Mapapansin rin naman ang mga sari-saring heavy equipment na nagkalat sa mga daan ng isla ng Tablas, gayundin, sa isla ng Sibuyan, kung saan ang mga ito ay abala sa pag-gawa ng mga imprastraktura.

Nakalaan kasi dito ang halos kalahating bilyong pisong pondo na napagtagumpayang makuha ni Cong. Budoy Madrona para sa kanyang Priority Development Program o Countryside Development Fund. Kilala sa tawag na pork barrel.

Maliban pa sa mga nakukuhang pondo mismo ni DE Dodoy Perez sa Central Office ng DPWH at mga ahensya ng gobyerno at maging sa mismo sa malacañang kilala si Dodoy sa pangangahoy ng mga pondo laan para sa mga proyekto ng lalawigan ng Romblon.

“Napapakinabangan natin ang mga kaibigan sa itaas, upang makakuha ng pondo, para sa kaularan ng ating bayan, katulong na rin siyempre ang impluwensya ng ating mahal ng kongresman sa pamahalaan, si Cong. Budoy Madrona” saad pa ni DE Dodoy Perez.

Ayon pa sa pasensyadong District Engineer, nauunawaan niya na may mga taong hindi
kuntento sa kanilang mga pagsisikap. “Ang masasabi ko lang sa mga kritiko, malayo pa ang eleksiyon, pagtulungan na lang natin na mapaunlad ang Romblon” masayang pagtatapos niyang nasabi ng aming makapanayam.

----------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Pamangkin ng rtext publisher…

MEDIAMAN NAGPAKAMATAY
O PINATAY?




Dahil sa mga pagkakalat na mga maling impormasyon at paninira sa Romblon Text lalo na sa aming publisher. Kung kaya napagkaisahan na lang namin na ang naunsyaming paglabas tungkol kay Andronico D. Aviso at sa kanyang pagkamatay ay minabuti naming ilabas, para maliwanagan ang lahat…(Pamunuan)

Pebrero 25, 2008, Odiongan…

Malamig ng bangkay ng makita ang layout artist na si Andronico Damaso Aviso sa inuupahan nitong bahay sa Brgy. Liwanag, Odiongan, Romblon dakong alas singko ng hapon. May tali itong sinturon sa leeg na nakasabit naman sa pakong uno y’media (isa at kalahating pulgada). Habang nakasandal ang likod sa dingding at nakalapat ang mga paa sa sahig.

Ayon sa police report ng Odiongan PNP sa Provincial Police Office (PPO) alas singko ng hapon ika 25 ng Pebrero isang nagngangalang Elmer Fortunato, may asawa Editor-in-Chief ng bagong tayong pahayagang “BULATLAT” at residente ng Brgy. Poctoy, Odiongan, Romblon ang nagtungo sa kanilang istasyon upang iulat na nakita nito ang nakabiting bangkay sa inuupahang boarding house sa Brgy. Liwanag na pagmamay-ari ni Tito Casimero.

Ang mga tauhan ng PNP Odiongan sa pangunguna ni PO3 Arnel Pedragoza ay nagsagawa ng imbestigasyon, upang malaman kung ang bangkay ay biktima ng pamamaslang. Positibong kinilala ng PNP ang biktima ay nagngangalang Andronico Aviso ‘Y Balingit. 30 años, may asawa at layout artist ng Bulatlat, taga Singalong, Malate, Maynila at kasalukuyang nakatira sa Brgy. Liwanag, Odiongan, Romblon.

Sa isinagawang imbestigasyon, napag-alaman na ng mangyari ang insidente ang biktima ay nag-iisa sa boarding house. Base na rin sa imbestigasyong isinagawa, ang biktima ay sadyang nagpakamatay sa pamamagitan ng sinturon na itinali sa kanyang leeg at nagbigti hanggang sa ikamatay nito.

Ayon na rin sa mga salaysay ng ibang testigo, ang biktima ay posibleng nagpakamatay dahil sa depresyon dahil sa homesick at Pag-ibig. gaya ng paulit-ulit na pahayag ng mga katrabaho sa pahayagang “Bulatlat”.

Isinagawa naman ang awtopsiya sa bangkay ng Dra. Aida Ma. D. Atienza, RHU residence physician at napag-alaman na ang sanhi ng pagkamatay ay Aspyxia by hanging. At tinatayang matagal ng patay ang malamig ng bangkay. Ginawa ang autopsiya matapos na magtungo ng tiyuhin ng namatay na si Ed Damaso, publisher ng lokal na pahayagang ROMBLON TEXT sa pulisya na siyang gumawa ng request para ma-autopsy ang bangkay at personal na nagtungo sa tahanan ng Rural Health Unit Officer na si Dra. Aida Atienza upang hingin ang serbisyo nito.

Ayon naman kay Eduardo Balingit Damaso, alas singko beinte ng hapon ika 25 ng Pebrero taong kasalukuyan ng kumatok sa pintuan ng opisina ng Romblon Text sa ikaapat na palapag ng Festin Bldg., Brgy. Liwayway, Odiongan, Romblon ang mag-asawang Tony at Neneng Macalisang Publisher ng lokal na pahayagang Romblon Sun. Ibinalita ng mga ito ang mga pangyayari at ipinakita ang mga kuhang larawan sa cellphone ng malamig ng bangkay ni Andronico Aviso.

Napag-alaman na boluntaryong nakiusap si Andro Aviso kay Ed Damaso na isama na siya nito sa Romblon para magtrabaho, dahil siya umano ay pinag-iinitan ng mga katrabaho sa konstruksyon, dahil sa babaeng isang japayuki. Dinala naman umano ni Ed Damaso si Aviso sa Romblon upang magtrabaho sa diyaryong Romblon Text bilang layout artist, isang taon na ang nakakaraan.

Ayon kay Ed Damaso huling linggo ng buwang Nobyembre 2007, ng mapag-alamang lihim na gumagawa (naglalayout) na ng diyaryong BULATLAT ang pamangkin niya sa mismong opisina ng RTEXT sa 4th Festin Bldg., Odiongan, Romblon.

Inamin din naman ng huli ang bagay na ito ng magkaroon sila ng pagkakataon na magkaharap sila Babes Barba, Liezel Sadiasa, Andro Aviso at Ed Damaso sa tanggapan ng RTEXT. At iyon ay napatunayan naman ng makita ang mga files na ginawa ng mga ito mismo sa computer na pagmamay-ari ng RTEXT.

Dahil sa pakiusap ni Andro na magsideline siya sa labas, kung kaya’t napagkasunduan nila Ed Damaso at Andro na gagawa lamang sa labas after office hours.
Ngunit habang tumatagal ay naglalagi na ito sa Internet sa Brgy. Budyong, Odiongan na kung saan doon sila, naglalayout ng kanilang bagong diyaryong ginawa. Ayon kay Ed Damaso parang lumalabas na ang Romblon Text na lamang ang nakikiusap kay Andro Aviso na gawin ang kanyang mga trabaho.

Dahil dito ay minabuti na lang ni Ed Damaso na tanggalin si Andro Aviso at siya na lang muli ang maglayout ng diyaryong Romblon Text na dati naman ng ginagawa sa loob ng limang taon, wala pa man si Andro Aviso.

Lumipat sa pahayagang “BULATLAT” si Andrew Aviso at naglingkod doon bilang lay out artist, dahil siguro sa pangungumbinsi na rin sa kanya. Sumama siya kay Elmer Fortunato na nagtayo ng diyaryong “Bulatlat”.

Si Elmer Fortunato ay dating kolumnista ng RTEXT na may titulong “Kasangga”. Sinubukan din siya noong himukin ng publisher ng RTEXT na subukang maglingkod bilang Managing Editor na sinang-ayunan naman ng huli. Ngunit inayawan din naman wala pang isang buwan, at pagdaka’y nagtayo na ng sariling pahayagan ng lingid sa kaalaman ng kaniyang dating sinusulatan.

Bagama’t naroon sa pamunuan ng RTEXT ang hinanakit at tampo dahil sa kanilang ginawa ay minabuti na lang namin ang manahimik at magpatuloy. Hindi na namin nais pa ang magkaroon ng masamang tinapay sa isa’t-isa sapagkat kami ay magkakapatid sa hanapbuhay at magkakaibigan na may malalim na pinagsamahan.

Ang labis na ipinagtataka nga lamang umano ni Ed Damaso ay kung bakit hindi man lamang nagawang ibalita ni kahit man lang sa pamamagitan ng cellphone ang nangyaring iyon sa kaniyang pamangkin na nasa ilalim na ng hurisdiksiyon ng pamunuan ng Bulatlat na pinangungunahan ng Editor na si Elmer Fortunato. Gayung ito ang taong inaasahan niyang dapat na unang magsabi sa kaniya ng nangyari sa kaniyang pamangkin.

Ayon naman sa ilang mga nakakakilala sa namatay, may mga nagsasabing nakakita kay Aviso dakong alas siyete ng gabi na naglalakad malapit sa plaza patungo sa direksyon ng tabing dagat.

Ani pa nga ng isang may-ari ng tindahan ay bumili pa ito ng sigarilyo bago pa man mangyari ang insidente. Batay naman sa kuwento ni Elmer Fortunato ng magkaumpukan sa punerarya ng St. Peter, linggo ng gabi ng magtext daw sa kaniya si Andrew at ang sabi ay huwag na lang daw siyang sunduin kinabukasan dahil maaga pa daw itong papasok sa lunes. At ito naman daw ay labis niyang ipinagtaka sapagkat sa kauna-unahang pagkakataon ay hindi daw ito nagpasundo sa kaniya patungo sa opisina.

Hindi niya naman daw ito sinundo kinabukasan gaya ng kaniyang kuwento. Kinabukasan, Lunes, Pebrero 25 taong kasalukuyan, dakong ala una ng tanghali ng maisipan niya umanong daanan ito sa boarding house subalit nakita niyang nakapinid ang pinto ng inuupahan nitong bahay sa Brgy. Liwanag. Kaya naisipan niya na lang daw na umalis sa isiping baka ito nakainom kagabi at may hang over kaya natutulog.

Magkagayunman, tila hindi daw siya mapakali kung kaya’t nagtungo siya muli sa boarding house nito at pilit na binuksan ang pinto sa gawing kusina at pinapasok ang isang inutusang bata sa loob upang mabuksan ang main door ng bahay. Pag-akyat sa hagdan patungo sa kuwarto nito ay siya namang pagbulaga aniya ng malamig na bangkay nito.

Nang tanungin naman siya ni Babes Barba kung ano ang kaniyang ginawa matapos na makita ang katawan ng kaniyang lay out artist ay tumakbo na siya aniya sa pulisya upang iyon na ang kumuha ng bangkay.

Ayon naman sa panayam ng RTEXT kay Tito Casimero, may-ari ng boarding house na inuupahan ng namatay, nagulat na lang daw siya noong dakong pasado alas singko ng lunes, Pebrero 25 taong kasalukuyan habang pauwi na siya ng bahay ng makita niyang maraming tao sa kanto malapit sa bahay ni Andrew at doon nga niya nalaman na nagpatiwakal ito at itinakbo na sa St. Peter.

Wala naman daw siyang napansing kakaiba noong linggo ng gabi at hindi niya din daw namalayan si Andrew na pumasok na sa inuupahan nitong boarding house. Wala din umano siyang napansing kalampag o kalabog dahil tiyak na lalabasin niya daw iyon kung meron man siyang narinig.

“Mabait na bata iyan si Andrew. Magalang pa. Kaya hindi ko lubos maisip na gawin niya nga iyong pagpapakamatay.” ani sa amin ni Tito Casimero na halata sa dibdib ang dalamhati sa pagkamatay ni Andrew. May mga naririnig din diumano siyang kuro-kuro at salit-saling kwento sa likod ng insidente subalit hindi niya na lang din daw nais pang bigyan ng pansin dahil ang lahat ay wala naman sa pinangyarihan ng insidente kaya’t walang makapagbibigay ng tunay na impormasyon ukol dito. Nakita niya na lang ang labi ng kaniyang boarder ng magtungo siya sa Magallanes Funeral matapos itong ilipat mula sa St. Peter.

Ayon naman kay Jovel Lorica, noong sabado ng umaga, Pebrero 23 taong kasalukuyan ay dumaan daw ito sa kanilang bahay sa Brgy. Anahao upang iabot ang perang kaniyang hinihiram. Hindi na rin daw nila nagawang makapag-usap pa dahil umalis din ito kaagad. Iyon na din ang huling pagkakataon na nakita niya ang kaniyang inituturing na nakatatandang kapatid.

Wala naman diumano itong mabigat na problema bukod sa nahihirapan na itong makipagbalikan sa dating nakalive in na si Jharie subalit magkagayunman ay mayroong komunikasyon ang dalawa at madalas din namang magkita kung kaya’t hindi masasabing napakadesperado na nito upang kitlin ang sariling hininga. “Mabuti ka pa nga at nakausap mo si kuya kahit sa chat samantalang ako hindi na! Yun na pala yung huli naming kita!” ani ni Jovel Lorica sa kabarkada ding si Babes Barba ng magkita ang dalawa

Nagtataka din siya kung bakit wala man lang iniwang sucide note ang namatay na kadalasang nangyayari. Noong nagtangka din ito noong magbirong magpapakamatay sa dati niyang kasintahan ay gumawa ito ng sulat at iniwan sa pintuan ng kwarto ng huli.

Ayon naman kay Babes Barba na matalik na kaibigan ng namatay, noong sabado, Pebrero 23 taong kasalukuyan ay naka-chat pa niya ito ng magbukas ng sarili niyang e-mail. At doon nga ay sinabi ng namatay na isang malaking kawalan si Babes Barba kung mawawala ito sa mga kaibigan niya. Humingi din ng paumanhin ang namatay sa lahat ng mga nagawa nito sa best friend at humiling na kung maaari ay magkita silang dalawa dahil kailangan nito ng taong makakausap. “Ikaw kasi best eh, kung kailangan kita wala ka, yan tuloy bote ang kaharap ko” ani pa ng namatay sa kaniyang best friend noong naka-online chat ang dalawa.

Nagbigay din ito ng mensahe sa friendster ng, “best kung alam mo lang ang problema ko, walang nakakaintindi sa akin, sana ikaw na kaibigan ko, maintindihan mo ako.” Nang tanungin din daw ito ni Babes Barba kung ano ang inuungot nitong problema ay ito naman ang sagot ng namatay, “pera at puso iyan ang problema ko”.

Matatandaan noon na nagtutungo pa ito sa opisina ng RTEXT upang magsabi ng sama ng loob kay Babes na pinakikinggan na lang ng huli. “Gusto ko na ngang umuwi sa Manila best.” himutok pa nito. Sumasabay din ito minsan kumain dahil wala daw itong kapera-pera. Madalas din itong umungot at nangungutang ng pera. Kahit panigarilyo at pangkumo lang daw. Na pinagbibigyan naman hangga’t maari kung mayroon ding perang maipapa-hiram.

Alam din ni Babes kung gaano kamahal ni Andrew ang kasintahang si Jharie. Katunayan ay kasa-kasama ito ni Andrew ng unang makipagkita kay Jharie. Ito rin ang sumbungan niya ng lahat ng problema. Nagkataon nga lang at lumipat ito sa kabilang pahayagan at bihira na ang dalawa na magkita at makapag-usap ng personal.

“Kung alam ko lang na iyon ang mangyayari sa kaniya kinabukasan, sana binigyan ko na lang siya ng time na makipagkita sa kaniya.” ani ni Babes Barba na hirap na hirap ang loob at halos sisihin ang sarili sa nangyari sa matalik na kaibigan na hindi nagawang makausap bago man lang bawian ng buhay.

Ayon naman kay Leizel Roña Sadiasa comptroller ng Romblon Text. Madalas umanong hingian siya ni Andro Aviso ng pera pambili raw ng pagkain, komo hindi pa raw siya nag-aalmusal, o kaya ay nanananghalian. Ito ay tuwing nagkikita sila sa Budiong, o kaya ay ang biktima ang nagpupunta sa bahay o sa opisina ng Rtext.

Sinagot lang daw ni Aviso na ”Inaabot-abutan lang daw siya, ng tanungin ni Sadiasa kung hindi pa ba siya pinapasuweldo ng sinamahan niya? Pinagsasabihan pa nga raw ni Sadiasa si Andrew na umuwi na lang ng maynila. Ayon daw sa sagot ng biktimang hinihintay lang daw niyang bayaran siya sa nilayout niyang yearbook, at kagyat na siyang uuwi.

Marami rin ang nakapansin kay Aviso, masyado siyang nangayayat at hindi na makuha pang magpagupit o maligo man lang. Hindi tulad noong nasa RTEXT pa siya na medyo mataba at maayos sa katawan na laging bagong gupit, at malinis na kasuotan.

Sa hindi inaasahang pangyayari ay naging sunod-sunod ang mga isyung kumalat na sangkot si Ed Damaso sa diumano’y pagkamatay ng sariling pamangkin. Minsan na umanong nagbanta ang publisher/editor ng RTEXT kay Aviso at posibleng ito ang suspek sa mga nangyari.

Ngunit ayon naman kay Damaso, noon ay madalas niya itong biruin at sanay na umano si Aviso sa mga ganoong pagbibiro. Dahil matagal na nga naman silang nagkasama, kahit ng ito ay musmos pa.

Kahit noon na magkasama pa sila sa Maynilang nagtatrabaho, may ugali rin umano si Aviso na laging nagwalk-out kapag hindi napasuweldo sa tamang oras kaya nabibitin ang trabaho. Madalas nga raw silang mag-away noong araw, ngunit, bandang huli ay nagkakaayos naman agad.

Kaya nga minabuti ni Ed Damaso na mag-aral ng Graphic Arts sa maynila, para siya na lang ang personal na gumawa ng mga layout, na nangyari naman dahil sa loob ng apat na taon ay siya ang naglalayout ng Romblon Text, maliban pa sa mga tanggap ng brochures at kalendarayo. Kaya hindi kawalan para sa kanya, kung sakali man na umalis at lumipat si Aviso sa ibang papasukan.

Sama ng loob ang nangibabaw sa puso ng tiyuhin sa mga taong ang isip ay sindumi ng burak. Siya nga naman ang nagdala sa sariling pamangkin, upang personal na masilayan ng biktima ang Romblon kung saan siya ang naglayout ng mga brochures at postcards.

Kaya naman gumawa ito ng formal letter address sa Provincial Director ng PNP na si PSSupt. Eugenio Alcovindas at kay Cong. Budoy Madrona na nakikiusap na kung maaari ay magsagawa ng masusing imbestigasyon upang mabatid kung may foul play ngang naganap sa pagkamatay ni Aviso at ng sa ganoon ay managot sa batas ang tunay na salarin.

Hindi nga naman kapani-paniwala na ang isa’t kalahating pulgadang pako na nakapako sa isang marupok na dos por dos na kahoy ay makakakitil ng buhay ng isang 6th footer na lalaki. Mahirap din paniwalaan na nagpakamatay ang posisyon nitong nakalapat sa sahig ang mga paa at nakasandal sa dingding ang likod. Kahit sino ay mag-iisip na posibleng pinatay ang biktima.

Dahil dito ay ipinasya ng pamilya ng biktima na muling ipa-autopsy ang bangkay ng biktima sa ilalim ng NBI upang mabatid kung ano ang tunay na nagyari kay Aviso. Ito ay dahil na rin sa suhestiyon ni Damaso na duda sa pagkamatay ng sariling kadugo taliwas sa kumalat na isyung ayaw umanong ipa-autopsy ng huli ang bangkay ng pamangkin.

Kumalat ang usap-usapan na anumang oras ay may darating na tauhan ng NBI upang magsagawa ng kanilang imbestigasyon. Maraming espakulasyon at isyu ang naglutangan.

Marso 6, 2008 dakong alas dos ng hapon ng ipinasyang magtungo ni Babes Barba sa dating boarding house ni Aviso, kasama ang may-ari ng bahay at si Miyok Galicia dito ay nakita nila sa ilalim ng kama ang tape recorder na gamit ng “Bulatlat”

Ngunit marami ang labis na nagtataka kung bakit hindi ito nakita ng mga pulis na nagtungo sa pinangyarihan ng insidente, gayundin, ng ama at ni Damaso ng magtungo sa inuupahang bahay ng biktima ng samsamin ang mga gamit nito na dinala sa maynila.

Pinasok na rin, umano ang bahay ng biktima mga ilang buwan bago siya pumanaw, dito ay ninakaw ang kanyang cellphone na kasalukuyan noong nakacharge. Kasama niya noon ang kanyang Girlfriend.

Nais rin pabulaanan ni Damaso, tungkol sa mga mapanirang isyu, tulad ng hindi niya raw inasikaso ang bangkay. Samantalang, kinabukasan ng umaga ay lumakad siya upang lumapit kay Cong. Budoy Madrona at kay DE Dodoy Perez na hindi nagdalawang isip na tumulong.

Siya rin ang nag-asikasong mailipat ang burol sa Magallanes upang mapalapit sa poblacion, kung saan ay ang Romblon Text lang ang nagawang makipaglamay ng dalawang gabi at tatlong araw ng walang tulugan.

Siya rin ang nagbayad sa serbisyo sa punenarya, at lumakat at nagbayad sa Death Certificate gayundin, ng transfer of cadaver, nilakad din ng RTEXT ang pagsakay nito sa barko na inilibre ng barko.

“Nagtataka lang ako, ng ihatid namin ang bayaw ko (tatay ni Andrew) kasama ang labi ng biktima, ay wala kaming nakitang mga dati niyang kasamahan. Ngunit, pagdating sa Maynila ay siniraan na ako ng husto sa kapatid ko at mga kaanak. Samakatuwid, sumama pala sila sa barko, pamaynila ng hindi ko namamalayan”. Banggit ni Damasong may halong hinanakit.

“Ano ang motibo nila upang hindi sila magpakita sa akin ng sumama pala sila sa Maynila? Bakit nga ba?

No comments: